-- Advertisements --

Apat pa lamang sa kinakailangang siyam na senador ang lumalagda sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na chairman din ng komite, bukod sa kanya ay lumagda na rin sina Senator Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan at Bam Aquino sa draft report na ipinamahagi sa mga senador noong ika-11 ng Pebrero.

Kapag nakakuha ng pirma ng mayorya ng komite o siyam na senador, ihaharap ang ulat sa plenaryo ng Senado kung saan ito pagdedebatehan bago tuluyang pagtibayin. Dahil dito, nanawagan si Lacson sa iba pang miyembro ng komite na basahin at lagdaan ang report upang maipresenta na ito sa plenaryo.

Binubuo ng 17 senador ang Blue Ribbon Committee, kabilang sina Senator Erwin Tulfo, JV Ejercito, Pia Cayetano, Win Gatchalian, Lito Lapid, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Mark Villar, Joel Villanueva, Rodante Marcoleta, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Bong Go at Imee Marcos.

Si Senator Rodante Marcoleta na kumukwestyon sa gumugulong na imbesitigasyon ng komite sa flood control scandal ay tasahang sinabi na hindi niya pipirmahan ang nasabing partial report.

Matatandaan na nagkaroon ng mainit sagutan ang dalawang senador sa plenaryo ng senado matapos na punahin ni Marcoleta ang umano’y kawalan parin ng kabuang report ng komite. Wala din daw pirma ni Lacson ang dokumento na ipinadala sakanya.

Ngunit paglilinaw ni Lacson may 20 hard copies umano ng report na ipinamahagi at hiwalay ang pahina ng lagdaan. Aniya, ipinaalam sa mga staff ng mga senador na nasa kanyang opisina ang hard copy na may pirma nya.

Samantala, sa oras na makumpleto ang mga pirma, inaasahang ihaharap sa plenaryo ang ulat na nagrerekomenda ng mas malalim na imbestigasyon sa ilang indibidwal, kabilang ang ilang matataas na opisyal sa gobyerno, na umano’y may kaugnayan sa mga kwestiyonableng flood control projects.