-- Advertisements --

Tinukoy ng Department of Energy (DOE) ang ilang lugar sa bansa na posibleng pagtayuan ng mga nuclear power plant sa hinaharap.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology, sinabi ni DOE Director IV Patrick Aquino na kabilang sa mga angkop na lugar para pagpatayuan ang ilang bahagi ng Bataan, kasama ang kasalukuyang lokasyon ng Bataan Nuclear Power Plant, gayundin ang Labrador, Pangasinan, mga lugar sa Camarines Norte, Puerto Princesa sa Palawan, at Masbate.

Ang mga ito ay napili matapos ang isinagawang pisikal na inspeksyon at pagsusuri ng gobyerno.

Ayon sa DOE, target ng Pilipinas na magkaroon ng commercially operational nuclear power plants pagsapit ng 2032, na may paunang 1,200 megawatts, saka palalawakin ito hanggang 4,800 megawatts pagsapit ng 2050.

Samantala, inilatag din nag ilang mga dapat ikonsidera sa pagpapatayo ng NUclear power plant

Sinabi ng DOST–Philippine Nuclear Research Institute na ang pinakamabilis na paraan para makapasok ang bansa sa nuclear energy ay ang muling pagpapatakbo ng Bataan nuclear power plant subalit ito ay nananatiling hindi gumagana dahil sa mga isyung pulitikal.

Binigyang-diin din ng DOST na hindi maaaring magtayo ng nuclear plant malapit sa aktibong bulkan, fault line, o sa mga lugar na binabaha, at kinakailangan ang pagsang-ayon ng lokal na komunidad at public consultation bago aprubahan
ang proyekto.

Noong 2025, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na lumilikha sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM, na mangangasiwa sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.