-- Advertisements --

Nagsagawa ng kilos protesta ang ilang mga Filipino activist ngayong Sabado, Enero 17, bilang pagtutol sa pagpasok ng US sa bansang Venezuela.

Ito ay bilang pakikiisa sa Global Day of Solidarity, at pagpapakita ng suporta sa mga mamamayan ng Venezuela.

Nagmartsa ang mga protester mula sa Kalaw Avenue patungo sa U.S. Embassy sa Roxas Boulevard, hawak ang mga malalaking tarpaulin kung saan nakasulat ang kanilang mga panawagan.

Kabilang dito ang apela sa US na lisanin na ang Venezuela at buong Latin America, apela sa US na itigil na ang giyera sa ngalan ng petrolyo, at iba pa.

Nagdala rin ang mga protester ng naglalakihang imahe ni US Pres. Donald Trump.

Matapos ang maikling programa sa harapan ng US Embassy, tuluyan ding umalis ang mga protester, dala ang kanilang mga tarpaulin.

Matatandaan noong Enero 3 nang pinasok ng US ang Venezuela at tuluyang inaresto sina President Nicholas Maduro ang kaniyang maybahay na si First Lady Cilia Flores.

Patuloy namang iginigiit ng kampo ni Maduro na siya pa rin ang nananatili at legal na pangulo ng Venezuela sa kabila ng pagkaka-detine niya sa US.