-- Advertisements --

Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Martes ang mga paratang ni Atty. Levito Baligod na may ebidensiya siya ng katiwalian na kinasasangkutan ang 18 Marines, na umano’y dating kasamahan ng surprise witness na si Master Sgt. Orly Regala Guteza.

Ayon sa AFP, ang naturang paratang ay dapat suriin sa tamang legal at ‘investigative processes.’ Pinaalalahanan rin ng AFP ang parehong mga tropa nitong aktibo at retirado na umiwas sa pagpapalaganap ng hindi beripikadong impormasyon.

Sa isang mensahe sinabi ng AFP na maaaring magdulot ang mga pahayag ng disinformation na hindi aniya deserve ng publiko.

Si Baligod, dating senatorial candidate noong 2016, ay nagpakita ng mga dokumento na umano’y naglalaman ng affidavits mula sa mga Marines na nagkukwento tungkol sa pamimigay ng mga male-maletang pera sa mga hindi pinangalanang politiko.

Dalawa o apat sa mga indibidwal ay miyembro umano ng Philippine Navy, na agad namang pinabulaanan ng Navy.

Ayon kay Phil Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez, ang apat na indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Navy o Marine Corps.

Binanggit din ni Martinez na si Guteza ay retirado na mula noong Hunyo 2020 at hindi na sakop ng administratibong awtoridad ng Navy. Karamihan sa iba umano ay na-discharge nang dishonorably o nakapag-retire nang maayos.