-- Advertisements --

Inaasahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na papalo sa pagitan ng 7.1 hanggang 8.1 porsyento ang inflation para sa buwan ng Oktubre ngayong taon.

Sa pahayag na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 30, maaaring lumobo sa nasabing rate ang inflation dulot ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa, singil sa kuryente, at pamasahe.

Dagdag pa nito, anila’y maaari namang bumagal ang pagtaas nito dulot ng pagbaba ng presyo ng mga pangunahing agricultural products tulad ng gulay, karne, isda, at bigas dahil sa sapat na supply.

Samantala, anila’y patuloy namang tututukan ng BSP ang pagbantay sa mga datos, maging sa mga kasalukuyang kaganapan sa Middle East at ang mga inaasahang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Nitong nagdaang Setyembre, umabot sa 7.2 porsyento ang inflation rate.

Sakali mang tumungtong ito ng 8.1 porsyento sa buwan ng Oktubre, ito ang maitatalang pinakamataas na inflation rate sa loob ng tatlong taon nang huling pumalo ito ng 8.6 porsyento noong Pebrero 2023.

Nakatakda ring maglabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng opisyal na tala nito ng implasyon para sa buwan ng Oktubre sa darating na Nobyembre 5.