KALIBO, Aklan—Walang masisidlan ng kaniyang kagalakan ang 26-anyos na dalaga matapos na mapabilang ang kaniyang pangalan sa libo-libong pumasa sa 2025 BAR examination na inilabas ng Korte Suprema ang resulta, araw ng Miyerkules, January 7, 2026.
Sa interview ng Bombo Radyo, inihayag ni Atty. Jessa May Cipriano, residente ng Barangay Old Buswang, Kalibo, Aklan na mangiyak-ngiyak siya sa tuwa’t saya matapos na dininig ng Poong Maykapal ang kaniyang dasal at maituring aniya itong magandang simula ng taon 2026 para sa kaniya.
Noong una aniya ay nagdalawang isip pa ito kung mapabilang ang kaniyang pangalan sa mga BAR passer ngunit nangibabaw pa rin ang kaniyang pananampalataya at pag-asa hanggang sa nakita na nito ang kaniyang pangalan sa mga pumasa sa prestihiyosong eksaminasyon.
Si Atty. Cipriano ay nagtapos ng kaniyang college of law sa Aklan Catholic College sa bayan ng Kalibo kung saan, isa siya sa 19 na BAR passer mula sa nasabing catholic school.
Sa kasalukuyan aniya ay ninanamnam pa niya ang tagumpay kasama ang kaniyang buong pamilya at mga kaibigan na nagsilbing support system at kaniyang prayer warriors.
Nabatid na nasa 5,594 mula sa 11,424 na examinees ang tagumpay na pumasa sa tatlong araw na 2025 Bar Examinations o katumbas ito ng passing rate na 48.98%.
















