Isusulong ng Department of Tourism (DOT) ang pagsasanay sa mga pulis na magsalita ng wikang Korean bilang bahagi ng mas pinaigting na seguridad para sa mga turistang South Korean sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco sa naging pakikipagpulong nito kay Vice Minister Kim Dae Hyun ng Korean Ministry of Culture, Sports, and Tourism sa ginanap na ASEAN Tourism Forum 2026 sa Cebu City.
Ayon sa kalihim, palalakasin ng ahensya ang Tourist-Oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP) program kung saan kabilang ang language training para sa mga otoridad.
Maliban dito, ibinida rin ng DOT ang Tourist Assistance Call Center na may naka-duty na mga Korean-speaking agent upang mabilis na makaresponde sa pangangailangan ng mga banyaga.
Layunin ng nasabing hakbang na mapawi ang pangamba ng South Korea—na nananatiling pinakamalaking tourism market ng Pilipinas sa loob ng 15 taon—hinggil sa mga naitatalang insidente ng krimen.
Paliwanag ni Frasco, ang mga naging basehan ng travel alert ay pawang mga isolated incidents lamang at seryoso ang pamahalaan na protektahan ang mga dayuhang bisita.
Samantala, tinalakay din sa naturang pulong ang posibleng pagpapalawak pa ng air connectivity sa pagitan ng dalawang bansa.
















