Lalong nabaon sa mabigat na ebidensya ang anim na miyembro ng Manila Police District (MPD) matapos pormal na magsampa ng reklamo ang apat sa kanilang mga biktima sa tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Sa isinagawang pulong balitaan, inilahad ng mga biktima ang naranasang trauma sa kamay ng isang police sergeant at limang patrolmen na itinuturong nasa likod ng robbery-extortion sa Makati City.
Bukod sa personal na testimonya ng panunutok ng baril at pananakit, iprininta rin bilang matibay na ebidensya ang isang CCTV footage na nagpapakita sa aktwal na paggawa ng krimen ng mga naturang pulis.
Ayon sa mga nagrereklamo, maliban sa hininging pera ay kinuha rin ng mga suspek ang kanilang mga mahahalagang gamit bago sila pakawalan.
Dahil dito, nahaharap na sa mga reklamong administratibo ang anim na pulis na ayon kay NAPOLCOM Vice Chairperson Rafael Vicente Calinisan ay maaaring magresulta sa kanilang permanent dismissal mula sa pambansang pulisya.
Tiniyak ni Calinisan na tututukan ng komisyon ang kaso at nanawagan sa iba pang posibleng biktima ng grupong ito na huwag matakot na lumantad.
Ang pagsasampa ng kaso ay kasunod ng pagkakaaresto sa mga suspek sa Makati kamakailan.
Layon ng mga biktima na matiyak na mananatili sa kulungan ang mga pulis upang hindi na makapamerwisyo pa ng ibang sibilyan sa hinaharap.















