-- Advertisements --

Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na mga hired gunman umano ang nagsagawa ng ambush laban kay Shariff Aguak Mayor Datu Akmad Ampatuan Sr. noong weekend, batay sa paunang resulta ng imbestigasyon.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, lumalabas sa mga unang ebidensya na magkakamag-anak ang mga suspek at posibleng kinontrata upang isagawa ang pag-atake.

Isa sa mga pangunahing suspek, na kilala sa alyas na “Raprap,” ay may criminal record at iniuugnay sa ilang mabibigat na krimen.

Nakaligtas ang alkalde matapos mabigo ang rocket-propelled grenade na tumagos sa kanyang bulletproof na sasakyan, habang dalawang security escort niya ang nasugatan ngunit nasa mabuting kondisyon na.

Sa follow-up operation, napatay ng pulisya ang tatlo sa apat na suspek, kabilang ang umano’y lider ng grupo, matapos ang engkuwentro.

Bumuo na ang PNP ng isang Special Investigation Task Group para tutukan ang kaso, na ayon sa mga awtoridad ay ika-apat na tangkang pagpatay na umano laban sa alkalde.

Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang motibo ng ambush at kung sino ang nag-utos ng pag-atake.