-- Advertisements --

Nakatakdang palawigin ng Philippine Navy at Royal Australian Navy ang kanilang mga pinagsamang pagsasanay bilang bahagi ng mas malawak na kooperasyon para sa seguridad sa rehiyon.

Ito ang naging sentro ng pag-uusap sa pagitan nina Philippine Fleet Commander Rear Admiral Joe Anthony Orbe at Royal Australian Navy Vice Admiral Mark David Hammond sa isang bilateral engagement kamakailan.

Ayon sa ulat ng Philippine Navy, layon ng pagpupulong na balangkasin ang mga susunod na naval exercises at mga aktibidad na magpapataas sa kakayahan ng dalawang pwersa na tumugon sa mga banta sa karagatan.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang pamunuan ng Philippine Fleet sa Australian Defence Force Cooperation Program dahil sa malaking tulong nito sa professional development ng mga marinong Pilipino.

Partikular na kinilala ng PN ang suporta ng Australia sa mga nagdaang Multilateral Maritime Cooperation Activities at ang matagumpay na pagdaraos ng ALON Exercise , na isang malaking pagsasanay sa amphibious operations.

Ang hakbang na ito ay bahagi ng estratehiya ng bansa na palakasin ang alyansa sa mga karatig-bansa upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa maritime domain ng Pilipinas.