Namataan umano ang dalawang mamahaling sasakyang konektado umano kay dating Congressman Zaldy Co sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director Brig. Gen. Hansel Marantan, naispatan ang dalawang sasakyan doon at kasalukuyang nasa proseso ng imbestigasyon partikular sa naturang probinsiya.
Idinetalye kalaunan ng HPG officer ang mga sasakyang namataan na isang Fortuner at Cadillac.
Nauna na ngang nadiskubre ng HPG ang nasa 14 na magagarang sasakyan na umano’y konektado kay Co sa isang condominium sa Taguig City. Itinurn-over kalaunan ang 12 dito sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa ngayon, ayon sa HPG Director, pinaghahanap ang sampu pang sasakyang konektado sa dating mambabatas.















