Ipinaliwanag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Romeo Brawner Jr. na matagal nang nagbibigay ng seguridad ang Philippine Navy para sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ito ay kahit bago pa man ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Coast Guard ang pagpapalakas sa proteksiyon ng mga mangingisdang pumapalaot sa WPS kasunod ng water cannon attack ng Chinese vessels laban sa mga mangingisdang Pilipino sa Escoda Shoal noong Disyembre 12 na ikinasugat ng apat na Pilipino at ikinapinsala ng kanilang bangkang pangisda.
Ginawa ng AFP chief ang pahayag nang matanong hinggil sa direktiba ng Pangulo sa PCG na mag-deploy ng karagdagang mga barko sa mga estratehikong lokasyon sa WPS para tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino habang namimingwit sa traditional fishing grounds.
Ipinunto naman ni Gen. Brawener na hindi na nila itinuturing bilang gray zone activities ang mga aksiyon ng China sa WPS, sa halip tinatawag nila ang mga aksiyon ng China kung ano talaga ang mga ito, bilang illegal, coercive, agresibo at mapanlinlang.
Nananatili naman aniyang whole-of-nation approach ang kanilang pagtugon sa mga aksiyon ng China kung saan magkakatuwang dito ang PCG, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Navy.
Ayon sa AFP chief, kung mapapansin aniya, sa tuwing naglalayag ang mga mangingisdang Pilipino, pinakamalapit sa kanila ang BFAR, sinusundan ng PCG at nasa hindi kalayuang distansiya naman ang Philippine Navy na nagmamasid.
Ang lahat aniya ng mga ahensiyang ito ay may kaniya-kaniyang mahahalagang papel.
















