-- Advertisements --

Muling namataan ang China Coast Guard 5901 o tinaguriang “monster ship” ng China sa West Philippine Sea, base monitoring ng US maritime expert.

Ito ang unang pagkakataong nakita ang dambuhalang barko ng China sa lugar makalipas ang halos isang taon.

Ayon kay US maritime expert Ray Powell, nagsagawa pa ang CCG vessel ng intrusive patrol sa may central Vietnam, na kauna-unahang deployment ng barko sa timog ng Hainan Island simula noong Hulyo 2025.

Saka ito dumaan sa distansiyang 74 kilometers malapit sa bayan ng Itbayat sa probinsiya ng Batanes noong Linggo.

Panandalian lamang nanatili ang dambuhalang barko sa lugar bago bumalik pa-kanlurang direksiyon.

Nitong umaga ng Martes, namataang halos pabalik na ang CCG vessel sa Hainan Island.

Matatandaan, huling namataan ang monster ship ng China sa Panatag o Scarborough Shoal noong Pebrero ng nakalipas na taon. Ayon kay Powell, nanatiling tahimik ang barko noong 2025 at posibleng namalagi malapit sa coastline ng China.