Tinanggal na ang pribilehiyong isang oras na paggamit ng cellphone ng mga foreign national na nasa detention centers ng Bureau of Immigration (BI).
Ipinatupad ang naturang mas mahigpit na patakaran matapos gumamit ng cellphone ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy para mag-rekord at mag-upload ng kaniyang vlog habang nasa loob ng pasilidad.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, napagpasyahan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na higpitan ang mga restriksiyon sa paggamit ng cellphone sa detention centers.
Sa halip, papayagan ang mga ito na magkaroon ng access sa landline phones at video calling booths para matawagan ang kanilang pamilya.
Nauna naman nang nilinaw ni Sandoval na ang detention centers ng BI ay holding facilities at hindi kulungan. Kung kayat pinapayagan noon ang mga detainee na gumamit ng cellphone ng hanggang isang oras para tawagan ang miyembro ng kanilang pamilya at kanilang embahada.













