Nanawagan si Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano para sa mas matinding parusa laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.
Ito ay dahil umano sa patuloy na paglabag ng bagitong kongresista sa House Rules.
Sa isang privilege speech sa House plenary session nitong Martes, binanggit ni Rep. Valeriano ang online post ni Barzaga na nagaakusa sa mga mambabatas na miyembro ng National Unity Party (NUP) na nakatanggap umano ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon bago ang 2025 elections kapalit ng pagsuporta kay dating House Speaker Martin Romualdez, bagay na tinawag ni Valeriano bilang isang malaking kasinungalingan.
Ang nasabing post ni Barzaga ay subject ng mga reklamong cyberlibel na inihain nina Valeriano, House Deputy Speaker Ronaldo Puno at Razon.
Maliban dito, tinukoy din ni Valeriano ang online posts ni Barzaga na nagaakusa kay dating congressman Romeo Acop na sangkot umano sa flood control anomaly.
Bunsod nito, nanawagan ang mambabatas ng pagpataw ng panibagong suspensiyon period laban kay Barzaga ng walang allowance at sweldo para maturuan umano ang neophyte lawmaker ng tamang aral.
Ni-refer naman ng Kamara ang privilege speech ni Valeriano sa House Committee on Ethics and Privileges.
Inotorisa rin ng kapulungan ang naturang panel na magsagawa ng pagdinig sa pamamagitan ng masusing pagsisiyasat sa naging asal ni Barzaga sa panahon ng kaniyang suspensiyon at iulat ang findings at rekomendasyon nito sa plenaryo.
Samantala, sa panig naman ni Barzaga, sinabi niyang magpreresenta siya ng ebidensiya kaugnay sa kaniyang bribery allegation sa korte.















