-- Advertisements --

Isiniwalat ng dalawang testigo na iniharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y koneksiyon ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya at dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng iniimbestigahang anomalya sa flood control projects.

Sa ikawalong pagdinig ng komite, isinalaysay ng mga testigo na itinago sa alyas na “Joy” at “Maria” na nakatrabaho nila ang isang Rico Ocampo, dating umuupa ng bahay sa South Forbes Park na naibenta noong Abril 2023.

Ayon sa mga testigo, inabisuhan silang paaalisin sa bahay sa pamamagitan ng email mula sa isang law firm at binigyan lamang ng palugit hanggang Pebrero 3, 2024 upang mailipat ang kanilang mga gamit.

Ikinuwento rin ng mga testigo na ipinakilala sila ng isang property broker sa isang kontratista na kalaunan ay nakilala nilang si Discaya, matapos itong mapanood sa telebisyon.

Anila, si Discaya umano ang nagmamando sa mga taong tumulong sa kanilang agarang pag-alis at nagsabing may deadline rin silang hinahabol. Nang magtanong ang mga testigo kung maaari silang makiusap sa bagong may-ari ng bahay, sinabi umano sa kanila na si Romualdez ang nakabili ng nasabing ari-arian.

Mariing itinanggi naman ni Discaya ang mga paratang at ang anumang transaksiyon niya sa dalawang testigo.

Nauna na ring itinanggi ni Romualdez ang pagkakaroon ng ugnayan o transaksiyon sa mag-asawang Discaya, kaugnay ng mga ulat na ginamit umano ang mga ito bilang front sa pagbili ng mamahaling property sa Makati City.

Top