Isinampa ngayong araw ni Manila 2nd District Rep. Roland Valeriano sa Manila Prosecutor’s Office ang reklamong ‘cyber-libel’ laban kay Cavite Rep. Kiko Barzaga.
Ayon kay Cong. Valeriano, nag-ugat ang reklamo sa ‘online post’ ni Barzaga kung saan pinaratangan ang mga miyembro ng National Unity Party (NUP) na tumanggap ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon.
Batay sa alegasyon, ang pagtanggap umano ng pera ay para suportahan at mailuklok na maging House Speaker si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Ito nama’y mariing pinabulaanan ng naturang kongresista at iginiit na walang tinanggap na anumang halaga ng pera mula sa negosyante.
Partikular na isinampa ni Cong. Valeriano ang reklamong Cyber Libel sa ilalim ng Section 4(c) ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
Naniniwala ang mambabatas na ang akusasyon panunuhol ay hindi umano nagpapakita ng mabuting katangian ng isang miyembro ng kamara.
Kung kaya’t aniya’y minarapat na lamang na kanya itong sampahan ng reklamo laban kay Rep. Kiko Barzaga.
Ang naturang ‘cyber-libel case’ na inihain ni Cong. Valeriano ay kasunod lamang nang magsampa din ng reklamo si House Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Rolando Puno kontra sa mambabatas.
Kung kaya’t kasabay ng mga akusasyon ni Cong. Kiko Barzaga, hiling at mensahe ng naturang mambabatas na magpakabait nito.
Bukas ang tanggapan ng Bombo Radyo para sa anumang pahayag at reaksyon ni Cavite Rep. Kiko Barzaga hinggil sa isinampang reklamo laban sa kanya.
















