Nagpahayag si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng kanyang pormal na pag-inhibit mula sa lahat ng talakayan, deliberasyon, at proseso ng House Committee on Rules kaugnay sa inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa mambabatas, ang kanyang desisyon ay hindi bunga ng legal na obligasyon kundi ng mas mataas na tungkulin, ang pangalagaan ang integridad ng Kamara, ang kredibilidad ng mga proseso nito, at ang tiwala ng publiko sa sistemang konstitusyonal.
Bagamat hindi siya obligado ng House Rules na mag-inhibit, iginiit ni Marcos na ang pamumuno ay minsan nangangailangan ng pagpipigil sa halip na aktibong pakikilahok, lalo na sa mga panahong sinusubok ang institusyon.
Naniniwala siyang ang pag-iwas ay makatutulong upang maiwasan ang anumang pagdududa sa pagiging patas, obhetibo, at lehitimo ng proseso.
Binigyang-diin niya na ang hakbang na ito ay hindi pag-iwas sa responsibilidad kundi pagpapatibay ng tiwala sa pamahalaan.
Sa kabila ng kanyang pag-inhibit, nananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin bilang House Majority Leader sa lahat ng iba pang usapin, at may buong tiwala siya na kikilos ang Kamara nang may kalayaan, kahinahunan, at katapatan sa Saligang Batas.















