Kinilala ng Civil Service Commission (CSC) si Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang isa sa mga pinakatampok na public servant ng bansa para sa 2025 na ginanap sa Malacañang.
Tinanggap ni Belmonte ang Gawad Lingkod Bayan ng Pangulo sa awarding ceremony na “Pagpupugay 2025: Parangal sa mga Lingkod Bayani.”
Kasama ring pinarangalan si Quezon City Administrator Michael Victor Alimurung, na tumanggap ng Gawad Pag-asa para sa kanyang ambag sa inovation at digital transformation ng pamahalaang lungsod.
Pinuri ng CSC si Belmonte sa kanyang pamumuno sa pagpapatupad ng mga napapanahong programa at nakatuon sa kapakanan ng lahat ng sektor sa lungsod.
Ayon sa komisyon, sa ilalim ng kanyang pamumuno, nagsilbing working laboratory ang Quezon City para sa mga best practices sa digital governance, bukas at transparent na procurement, disaster preparedness, social services, at urban planning.
Binanggit din ng CSC ang mga inisyatibang nagtataguyod ng pagkakapantay-pantay at tumutulong lalo na sa mga vulnerable sectors ng lungsod.
Inialay ni Belmonte ang parangal sa mga mamamayan ng Quezon City.
“It is my duty to serve all of you and provide all the services that you need and deserve, to ensure that everyone is included, everyone is welcome, at Kasama ang Lahat sa Pag-unlad,” ani Belmonte.
Samantala, kinilala naman si Alimurung sa kanyang liderato sa pagpapatupad ng mga makabagong sistema at digital solutions na nagpabuti sa mga proseso ng pamahalaang lungsod. Kabilang dito ang QC E-Services, na nagpadali sa aplikasyon para sa iba’t ibang serbisyo ng lungsod.
“It is an honor to be recognized by CSC. This award reflects the city government’s dedication to making sure that the residents are well taken care of by their city,” ani Alimurung.
“Isa rin itong pagkilala sa lahat ng lingkod-bayan na naniniwala sa aming bisyon at walang sawang nagtatrabaho para maisakatuparan ito.”
















