Nagbigay ng emosyonal na tribute si Home Alone star Macaulay Culkin sa kanyang on-screen na ina na si Catherine O’Hara sa isang Instagram post nito matapos pumanaw ang batikang aktres sa edad na 71 kasunod ng isang maikling karamdaman.
Lubos ang naging pagdadalamhati ng mga tagahanga at kapwa artista sa pagpanaw ni Catherine, na gumanap bilang si Kate McCallister, ina ng karakter ni Macaulay na si Kevin, sa mga pelikulang Home Alone (1990) at Home Alone 2: Lost in New York (1992).
Sa kanyang Instagram post, i-pinost ni Culkin: “Mama. I thought we had time. I wanted more… I love you. I’ll see you later.”
Bukod sa Home Alone, minahal din si Catherine ng bagong henerasyon ng manonood sa kanyang papel bilang si Moira Rose sa hit TV series na Schitt’s Creek, na tumagal ng anim na season mula 2015 hanggang 2020.
Matatandaan noong 2023, muling nagkita sina Macaulay at Catherine sa seremonya ng Hollywood Walk of Fame, kung saan pinarangalan si Macaulay ng sariling star.
Si Catherine ang nagbigay ng message at pinuri ang aktor, sinabing ang tagumpay ng Home Alone ay dahil sa talento at likas na sense of humor ni Macaulay.
Sa kanyang talumpati noon, inilarawan ni Catherine si Macaulay bilang isang napakagandang 10-taong-gulang na bata na kinayang harapin ang bigat ng kasikatan sa murang edad.
Tinapos niya ang kanyang mensahe sa pagsasabing, “I’m so proud of you.”
Ayon pa kay Macaulay, kahit sa mga sumunod na taon ay tinatawag pa rin niya si Catherine bilang “Mom,” at tinatawag naman siya ng aktres na “Son.”
Nagpaabot din ng pakikiramay ang mga tagahanga sa comment section ng post ni Macaulay, at marami ang nagpahayag ng pasasalamat sa alaala at ambag ni Catherine O’Hara sa mundo ng pelikula at telebisyon.











