-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni P/Maj. Antonio Marzan, hepe ng Pinili Municipal Police Station na may isang negosyante ang pinatay at ninakawan umano sa Barangay Darat sa bayan ng Pinili dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang biktima na si Alejandre Arzadon, may-ari ng karinderya.

Ipinaalam ni P/Maj. Marzan, ayon sa manugang ng biktima na si Jerryson Saludez, madalas alas-3:00 o alas-4:00 ng madaling araw ay nagtutungo na ang biktima para ihanda ang kanilang karinderya.

Gayunpaman, alas-6 ng umaga, nagulat ang manugang ng biktima nang makitang nakatali ito sa leeg sa hawakan ng freezer.

Aniya, mayroon ding gintong singsing at relo ang biktima ngunit hindi pa nila matukoy kung may nawawalang pera lalo na’t nabanggit ng pamilya ng biktima na laging may dalang pera ang biktima.

Kaugnay nito, sinabi ni P/Maj. Marzan, base sa medical examination ni Dr. Agnes Barlahan, Rural Health Officer ng Pinili, ang biktima ay hinihinalang nagpakamatay at walang foul play.

Hindi na interesado ang pamilya ng biktima na isailalim ang bangkay para sa autopsy.

Ito na ang ikatlong beses na ninakawan ang karinderya.

Sa ngayon, kasalukuyan nilang tinitingnan ang Close Circuit Television o CCTV camera na naka-install malapit sa pinangyarihan para makatulong sa imbestigasyon.

Una rito, sinabi ni P/Maj. Marzan na isang gabi bago ang insidente, nagpautang ang biktima ng P110,000.