-- Advertisements --

Umabot sa tinatayang P500 million ang pinsala sa sunog na sumiklab sa bahagi ng Landers Superstore sa Barangay Pasong Putik noong Enero 28, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) -National Capital Region (NCR).

Wala namang nasawi sa sunog, ngunit isang BFP personnel ang nasugatan sa dibdib dahil sa sumabog na mga gamit sa loob ng beauteen area ng supermarket.

Samantala, iniimbestigahan rin ng BFP ang isang viral video na nagpapakita ng mga taong diumano’y naglo-loot ng grocery items. Ayon sa BFP, ang mga ito ay hindi bahagi ng kanilang hanay o ng mga lehitimong volunteer fire group.

Batay sa fact-finding investigation, ipinamigay umano ng supermarket ang pagkain at refreshments bilang “gesture of gratitude” at sinabing ang mga goods na naapektuhan ng sunog ay “useless na” na maaaring nag-trigger sa viral video ng diumano’y looting.

Ang nag-record ng video ay mula sa lehitimong fire and rescue volunteer group at kusang ibinahagi ito sa investigation team.

Ayon sa kanya, may narinig rin siyang BFP personnel na nagsabing “kumuha na kayo ng para sa inyo,” na kasalukuyang iniimbestigahan.

“Kung mapatunayan man na mayroon BFP personnel who have been involved, ay hindi namin kukunsintihin,” ani BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo.

Pagkatapos ng insidente, sinabi ng BFP na maaaring repasuhin ang kanilang standard operating procedures at ang Fire Code para mapabuti ang seguridad, proper markings sa PPE, at maiwasan ang hindi awtorisadong pagpasok sa future operations.