-- Advertisements --

Binigyang-diin ng National Food Authority (NFA) na may sapat na supply ng bigas sa buong bansa.

Yan ay sa kabila ng mahahabang pila ng mga mamimili sa mga KADIWA centers para sa P20/kilo na “Benteng Bigas” ng pamahalaan.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, hindi dapat mabahala ang publiko dahil tuloy-tuloy ang milling ng palay at may nakahandang reserba para sa mga consumer.

Batay sa datos ng Department of Agriculture ngayong Marso 2026, nasa mahigit 2.3 milyong metriko tonelada ang buffer stock ng bigas ng bansa, sapat para sa susunod na tatlong buwan.

Dagdag pa rito, patuloy ang pag-angkat ng bigas mula sa Vietnam at Thailand upang masiguro ang tuloy-tuloy na suplay, habang inaasahan namang makatutulong ang anihan sa mga probinsya ngayong tag-init.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng regular na bigas sa merkado ay nasa P50–P55 kada kilo, dahilan kung bakit dagsa ang mga mamimili sa P20/kilo rice program ng pamahalaan.

Tiniyak ng NFA at DA na ipagpapatuloy ang distribusyon sa KADIWA centers at LGU outlets upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin sa mga pamilyang Pilipino.