-- Advertisements --

Inihain ni Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice ang panukalang “Sagip Presyo Act” na layong protektahan ang mga Pilipino laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sa ilalim ng panukala, awtomatikong isususpinde ang excise tax sa langis kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng krudo sa mundo, habang sususpindihin naman ang value-added tax (VAT) kapag umabot ito sa $100 kada bariles. 

Kapag pumalo sa $140 kada bariles, magbibigay ang pamahalaan ng hindi bababa sa ₱10 kada litro na fuel subsidy.

Ayon kay Erice, mahalagang magkaroon ng malinaw at agarang mekanismo upang mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga mamimili, transport operators, at negosyo, at maiwasan ang pagtaas ng inflation.

Nanawagan din siya sa Kongreso na magsagawa ng special session matapos ang Holy Week kung lalo pang lalala ang sitwasyon sa Middle East na maaaring magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng langis.