-- Advertisements --

Umabot sa humigit-kumulang 4,000 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang residential area sa Barangay Pinyahan, Quezon City noong Biyernes ng gabi hanggang nitong Sabado ng umaga.

Isang lalaki, 51 anyos, ang kinilalang nasawi dahil sa atake sa puso sa gitna ng kaguluhan.

Nabatid na mabilis kumalat ang apoy sa NIA Road, karamihan sa mga bahay ay gawa sa magagaan na materyales. Pinalala pa ng malakas na hangin ang sunog at umabot hanggang sa pagsabog ng ilang LPG tanks sa loob ng mga bahay.

Ayon sa opisyal sa Barangay tinatayang 80-95% ng lugar ang apektado ng sunog, na nagdulot ng pagkawala ng tirahan sa humigit-kumulang 4,000 pamilya.

Nagpadala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng Task Force Bravo na may humigit-kumulang 100 fire trucks at mga volunteer. Apat ang nasugatan, kabilang ang laceration, posibleng dislocated arm, at isang fire brigade member na nakagat ng aso habang nagliligtas.

Nahirapan ang mga bombero sa tubig dahil limitado ang mga hydrant, ngunit tinulungan sila ng mga residente hanggang sa mapatay ang apoy bandang ala-5 ng umaga kanina.

Tinatayang aabot sa P4 million ang pinsala at patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog.