-- Advertisements --

Mahigit 200 katao ang namatay matapos gumuho ang isang minahan sa Rubaya, silangang bahagi ng Democratic Republic of Congo, ayon sa rebel authorities sa rehiyon.

Ayon kay Lumumba Kambere Muyisa, tagapagsalita ng rebel governor ng North Kivu, bumagsak ang minahan noong Miyerkules dahil sa matinding pag-ulan.

Kasama sa mga namatay ay mga kababaihan, bata, at artisanal miners na nagmimina ng coltan, isang mineral na ginagamit sa paggawa ng mga elektronikong aparato tulad ng smartphones at computers.

Isang dating supervisor ng minahan ang nagsabing hindi maayos ang pagpapanatili ng site, na nagpadali sa aksidente at nagpahirap sa rescue efforts.

Dagdag pa niya, ang marupok na lupa sa lugar ay lalong nagpalala sa sitwasyon.

Tinatayang 20 survivors ang kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Isa sa mga kaanak ng biktima ang nagsabing labis ang kanilang pagdadalamhati, at inalarawan ang mga nasawi bilang matapang at masigasig na tao na ang pangunahing layunin ay maitaguyod ang kanlang pamilya.

Binisita naman ni Governor Erasto Bahati Musanga, na itinalaga ng M23 rebels, ang mga survivors noong Biyernes. Kasalukuyang kontrolado ng M23 ang Rubaya at ilang bahagi ng North Kivu, at ayon sa international observers, tinutulungan sila ng Rwanda.

Napag-alaman na ang Rubaya ay isa sa mga bayan sa North Kivu na kontrolado ng M23, na sinasabing may suporta mula sa bansang Rwanda.

Kung saan ang minahan dito ay nagtataglay ng 15% ng global coltan supply at kalahati ng kabuuang deposito ng DR Congo.

Ang coltan ay mahalaga sa paggawa ng high-performance capacitors para sa iba’t ibang elektronikong kagamitan, dahilan kung bakit mataas ang demand nito sa buong mundo.

Simula noong 2024, kontrolado ng M23 rebels ang mga minahan, at inakusahan sila ng United Nations ng pag-impose ng buwis sa pagmimina para sa sariling kapakinabangan.