Iniulat ng Philippine Navy na wala silang naitalang mga naging danyos o casualties matapos na maglunsad ng isang rocket launching ang China.
Sa isang pahayag, inihayag ng hukbo na sa ilalim ng Western Naval Command na agad silang nagsagawa ng close monitoring operations at koordinasyon sa iba pang mga katuwang na ahensya para matiyak at mapanatili ang situational awareness matapos ang launching ng Long March 12 rocket.
Bunsod ito ng inaasahang pagbagsak ng ilang debris sa bahagi ng katubigan sa Palawan na siyang mula sa naturang rocket.
Nauna na dito ay inalerto na rin ang iba pang mga naval surface and air assets pati narin ang mga medical teams katuwang ang ilang mga disaster response personnels para sa implementasyon ng safety protocols.
Samantala, sa kabila ng mga narinig na malalakas na pagsabog sa bahagi ng Puerto Princesa, wala namang naiulat na mga sightings sa bahagi na ito ng bansa.
Tiniyak naman ng Hukbong dagat na nananatili ang WNC sa heightened alert status para matiyak ang kaligtasan ng publiko na naninirhan malapit sa coastal areas.
Nagpaalala naman ang Hukbong Dagat ng Pilipinas sa publiko na iwasan ang paghawak sa mga mamamataang posibleng rocket debris at agad na ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga makikitang debris.
















