-- Advertisements --

Sama-sama ring nagsagawa ng Christmas celebration ang mga sundalong nakadeploy sa West Philippine Sea (WPS), ang karagatan ng Pilipinas sa western Luzon na pilit inaangkin ng China.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), matagumpay na isinagawa ng hukbo ang serye ng ‘critical sustainment mission’ kung saan dinala ang mga Noche Buena package at iba pang essential supplies sa mga sundalo.

Kabilang sa mga binigyan ng supplies ang mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre (LS-57) sa Ayungin Shoal, at mga naka-istasyon sa Pag-asa Island, Panata Island, Rizal Reef Station, Kota Island, Parola, Lawak, Likas, at Patag Island, pawang mga mahahalagang maritime features na binabantayan ng AFP.

Ayon sa hukbo, ang ginawang misyon ay nagpapakita ng pagmamahal at pagkalinga ng pamahalaan sa mga sundalong nagsasakripisyo para mabantayan ang teritoryo ng bansa.

Ang ibinigay na supplies, ayon sa hukbo, ay hindi lamang isang logistical support, kungdi isang mahalagang ‘piraso’ na nagpapa-alala sa kanilang tahanan.

Ito rin ay pagpapaalala sa mga sundalo na ang kanilang sakripisyo ay nakikita at pinapahalagahan ng gobiyerno.

Pinangunahan ni Western Command (WESCOM) Commander Vice Admiral Alfonso F Torres Jr ang delivery, at pag-iikot sa mga mahahalagang maritime fature.

Kasabay nito ay nagsagawa rin ng ilang ‘boodle fight’ ang mga sundalo, bilang pagpapatibay sa kanilang samahan. Isa sa mga ito ay isinagawa sa loob ng BRP Sierra Madre, ang nagsisilbing outpost ng Philippine Navy sa WPS.