-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabagabag si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila De Lima sa naging pahayag ng bagitong mambabatas na si SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.

Sa isang pahayag, sinabi ni De Lima na “nakakabagabag at hindi tama” ang pahayag ni Marcoleta.

Kaugnay nito, nanawagan si De Lima sa kapwa niya mambabatas at sa lahat ng lider at mga Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa WPS.

Ginawa ni Rep. De Lima ang panawagan matapos ang maanghang na pahayag ni Rep. Marcoleta, na sina “Comm. Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard at mayayabang na senador ang isabak sakaling giyerahin tayo ng Tsina para makita umano ang kanilang tapang.”

Bilang tugon, nilinaw ni De Lima na walang sinuman ang may gusto ng giyera laban sa alinmang bansa at hindi rin aniya ang Pilipinas ang nag-uudyok ng giyera.

Sa huli, nanawagan si De Lima ng pagkakaisa sa halip na kampihan ang dayuhang aniya’y nambubully, nanghaharass sa ating mga kababayan at nangaangkin ng teritoryo.