Ipinahayag ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela ang pagkadismaya sa mga pahayag ni Senator Rodante Marcoleta, na para sa kanya ay tila minamaliit ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Bilang Pilipino, nakaka-dismaya at nakaka-galit aniya na may isang elected member ng Senado at Kongreso na kung magsalita ay tila wina-walang bahala ang ating posisyon sa WPS.
Ang reaksyon ni Tarriela ay kasunod ng mungkahi ni Marcoleta na maaaring isuko ng Pilipinas ang Kalayaan Island Group (KIG) dahil may ilang bahagi nito na lampas sa ating exclusive economic zone. Sinabi naman ni Marcoleta na “deliberately abbreviated” ang konteksto ng kanyang pahayag.
Para kay Tarriela, malinaw ang mensahe ng senador, na imbis kondenahin ang ilegal at agresibong kilos ng China, umaayon pa sa interes ng People’s Republic of China at ina-undermine ang posisyon ng PCG.
Inimbitahan din ni Tarriela si Marcoleta at ang kanyang anak na sumama sa isang maritime domain awareness (MDA) flight sa KIG upang makita nila ang kabataan at komunidad ng mga Pilipino sa Pag-Asa, at maunawaan kung bakit ipinagtatanggol ito ng Armed Forces of the Philippines at PCG.
Ayon kay Tarriela, wala pang koordinasyon ang kampo ni Marcoleta tungkol sa naturang imbitasyon. (Report by Bombo Jai)
















