Itinutulak ngayon ng Department of Education (DepEd) ang malawakang classroom leasing bilang agaran at makabagong solusyon sa problema ng kakulangan ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan.
Kaugnay nito, nakatakdang lagdaan ngayong linggo ang isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng kagawaran at ng mga gobernador sa bansa upang gawing pormal ang mekanismo ng pag-upa sa mga bakanteng gusali ng mga pribadong institusyon.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang inisyatibang ito ay nakabase sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang public-private partnerships sa sektor ng edukasyon.
Layunin ng programa na mabawasan, kung hindi man tuluyang maalis, ang pagsisiksikan ng mga estudyante at ang class shifting schedule.
Pinatunayan ang bisa ng estratehiyang ito sa naging pagbisita ng kalihim sa Don Manuel Rivera Memorial Integrated National High School Extension sa Laguna kahapon.
Sa nasabing paaralan, tuluyan nang naresolba ang shifting ng mga senior high school students matapos gamitin ang mga pasilidad na hindi nagagamit ng pribadong sektor.
Inaasahang sa pamamagitan ng kasunduan sa mga lokal na pamahalaan, mapapabilis ang pagtukoy sa mga available spaces na maaaring arkilahin para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral.
















