-- Advertisements --

Inihayag ni dating Senate President Franklin Drilon na dapat may common candidate ang oposisyon upang may laban kay Vice President Sara Duterte sa 2028 Presidential Election.

Binanggit ito ng dating mambabatas matapos ang private lunch kasama ang mga lider ng Liberal Party at Akbayan.

Ayon kay Drilon, dapat mapili ang iisang kandidato sa pamamagitan ng napagkasunduang proseso dahil kung hindi, wala umanong tiyansa ang kandidato laban sa Bise Presidente.

Ipinunto rin niya ang hirap sa pagpili ng iisang kandidato, dahil wala pang malinaw na mekanismo rito, at wala rin siyang tiyak na plano kung paano ito gagawin.

Subalit, iginiit ni Drilon na dapat mapili ang kandidato bago matapos ang 2026 upang magkaroon ng sapat na panahon para sa kampanya at pangangalap ng pondo.

Sa ngayon, wala pang napipili ang oposisyon na tatakbo sa susunod na halalan habang nauna nang nagpahiwatig si VP Sara ng plano niyang tumakbo sa 2028 matapos ibahagi na binigyan siya ng kumpas ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.