Binabantayan ng National Police Commission o NAPOLCOM sa imbestigasyon sa umano’y drinking session na nangyari sa loob ng Dolores Municipal Police Station sa Eastern Samar.
Unang lumabas ang mga larawang kuha sa naturang istasyon kung saan makikita ang mga pulis na nag-iinuman sa loob ng opisina. Nasa harapan din ng mga ito ang ilang bote ng magkakaibang alak.
Ayon sa Napolcom, nakatutok ito sa pag-usad ng kaso laban sa mga pulis na nakitang nag-iinuman, kasama ang mga sanction na kahaharapin ng mga ito, maliban sa inisyal na disciplinary action.
Batay sa inisyal na ulat ng komisyon, naganap umano ang drinking session noong December 15, kung kailan nagkaroon ng Christmas party ang naturang istasyon.
Lumalabas na inilipat ng mga pulis sa loob ng istasyon ang kanilang inuman dahil sa masamang panahon.
Una nang sinibak sa pwesto ang mga sangkot na pulis, kabilang ang hepe ng istasyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
















