-- Advertisements --

Pormal nang inihain ang kasong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM) laban sa pitong miyembro ng pulisya mula sa Caloocan City Police.

Ito ay matapos na pormal na maghain ng reklamo ang isang ama na nagsabing iligal na idinetine ng mga nasabing pulis ang kanyang anak.

Kinilala ang complainant na si Jayson Dela Rosa, ama ng isang 20-taong gulang na estudyante.

Ayon kay Dela Rosa, ang kanyang anak ay pumanaw dahil sa leptospirosis matapos na lumusong sa baha sa pagtatangkang hanapin siya noong siya ay iligal na nakadetine.

Kinumpirma ng NAPOLCOM na nakita nila ang probable cause sa inihain na reklamo laban sa mga pulis.

Dahil dito, kakaharapin ng mga nasabing pulis ang iba’t ibang kaso, kabilang na ang grave misconduct, grave dishonesty, incompetence, oppression, at conduct unbecoming of a police officer.

Ayon kay Commissioner Rafael Calinisan, na siyang Vice Chairperson at Executive Director ng NAPOLCOM, sisimulan na nila ang pormal na proseso ng pagdinig at pag-iimbestiga laban sa mga pulis na sangkot sa reklamo.

Samantala, bukod pa rito, nakitaan din ng probable cause ang isasampang demanda laban kay dating PNP-HPG Special Operations Division Chief, Police Colonel Rommel Estolano.

Si Estolano ay nahaharap sa mga reklamo dahil sa kanyang mga umano’y paglabag sa tungkulin at responsibilidad bilang isang opisyal ng pulisya.

Ang mga reklamong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer laban kay Estolano ay isinumite na sa Legal Affairs Service ng NAPOLCOM.