Pansamantalang pinalaya ang vlogger na si Norman Mangusin o Francis Leo Marcos, matapos makapagpiyansa kaugnay ng kasong unjust vexation laban na isinampa ng kapwa vlogger na si MG.
Ayon kay BJMP spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, dumating sa BJMP ang court order para sa kanyang paglaya noong Sabado. Ipinaliwanag niya na posible ang pagproseso ng piyansa kahit weekend basta may court order, tulad ng nangyari sa Parañaque na may weekend court.
Si Mangusin ay pinalaya mula sa Parañaque City Jail Male Dormitory bandang alas-4 ng hapon. Nilinaw ni Bustinera na ang kanyang paglaya ay pansamantala lamang at hindi nangangahulugang abswelto na siya sa kaso.
Ang arraignment at pre-trial ni Mangusin ay itinakda sa Marso 2, alas-10 ng umaga sa Parañaque Regional Trial Court Branch 294.
Samantala, sinabi ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson and Executive Officer Commissioner Rafael Calinisan, na siya at si Markus Lacanilao ng Land Transportation Office (LTO) ay magsasampa ng criminal complaints laban kay Mangusin sa Martes ng umaga sa Quezon City Hall.
Binanggit niya na hindi ito personal kundi para sa pagpapanatili ng katarungan at proteksyon sa publiko.
“We are doing this not for ourselves, but as our contribution to the cause of Justice. Para wala ng mabiktima pa si Mangusin, para maitaguyod ang mga institusyon ng gobyerno, at para maipaglaban ang ordinaryong tao, we will step up and file the appropriate charges against him,” dagdag niya.
















