Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na mayroon umanong lapses sa pagturn-over ng kapulisan sa mga gamit ng pumanaw na si dating DPWH USec. Catalina Cabral sa kaniyang pamilya.
Ito ang naging tugon ng kalihim nang matanong kung ang ginawa ng kapulisan ay akma sa standard protocol.
Ayon sa kalihim, ang mga gamit ay narekober sa pinangyarihan ng krimen kayat mayroon aniyang lapses sa parte ng mga imbestigador, bagamat ginagawa na nila ang lahat upang mabawi ang lahat ng mga gamit ng dating opisyal.
Kabilang dito ang cellphone na kanilang ia-analisa sa oras na makuha ito mula sa pamilya ng pumanaw na dating opisyal.
Una ng kinumpirma ni Benguet Police provincial director Police Col. Lambert Suerte na itinurn-over ang mga gamit ni Cabral sa kaniyang pamilya matapos matagpuan ang kaniyang katawan.
Ayon sa Provincial Director, naabisuhan na ang pamilya na huwag burahin ang anumang impormasyon mula sa cellphone ni Cabral.
Matatandaan, nauna ng nagbitiw sa pwesto si Cabral noong Setyembre ng kasalukuyang taon sa gitna ng mga imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects kung saan nakaladkad ang kaniyang pangalan bilang isa sa umano’y nakatanggap ng kickback mula sa flood control projects sa Bulacan. Subalit nauna nang itianggi ni Cabral ang pagkakasangkot sa kickback scheme.
Nitong gabi ng Huwebes, nadiskubre ang katawan ni Cabral na wala nang buhay matapos umanong mahulog sa bangin malapit sa Bued River sa may Kennon Road sa Tuba, Benguet.
















