-- Advertisements --

Mariing tinututulan ng mga health advocates at sektor ng pampublikong kalusugan ang pagtatalaga kay Albert Domingo bilang Undersecretary ng Department of Health (DOH), na mangangasiwa sa health policy, local health systems, international health cooperation, health human resources, performance monitoring, health promotion, at information technology mga tungkuling may direktang epekto sa direksyon ng healthcare system ng bansa.

Ayon sa mga kritiko, mabigat at kritikal ang responsibilidad ng naturang posisyon ngunit umano’y kulang sa teknikal na kaalaman at karampatang kredensyal si Domingo upang pangunahan ang pambansang polisiya sa kalusugan. 

Binibigyang-diin ng mga health advocates na wala umanong karanasan si Domingo sa loob ng hospital setting, na mahalaga sa pag-unawa sa aktwal na kalagayan ng healthcare delivery sa bansa.

Binabalikan din ng mga kritiko ang naging papel ni Domingo sa PhilHealth, kung saan ayon sa kanila ay walang malinaw at makabuluhang repormang naipatupad sa kabila ng sunod-sunod na alegasyon ng katiwalian sa ahensya noong kanyang panunungkulan. 

Anila, hindi umano nakatulong ang kanyang pamumuno upang maibalik ang tiwala ng publiko sa national health insurance agency.

Dagdag pa rito, kinukuwestiyon din ang kanyang pamamalakad sa Center for Health Development – Information Management Service ng DOH. 

Batay sa mga ulat, tinatayang humigit-kumulang 7% lamang ang utilization rate ng naturang yunit—na itinuturing ng mga kritiko bilang indikasyon ng mahinang performance at kakulangan sa strategic execution.

Isa rin sa mga pangunahing isyu ang umano’y pagtutulak ni Domingo na ilipat ang Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) sa mga ospital na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan (LGU-run hospitals). 

Para sa mga health advocate, ang hakbang na ito ay diskriminatory at anti-poor, dahil hindi lahat ng LGU ay may sariling ospital. Dahil dito, nanganganib umanong mas lalo pang maitsapuwera ang mahihirap na pasyente sa mga lugar na kulang sa pasilidad medikal.

Sangkot din umano si Domingo sa isang kasong nakabinbin sa Ombudsman kaugnay ng isang pribado at kumikitang programang panradyo na may kaugnayan sa kontrata ng DOH na nagkakahalaga ng P98 milyon mula sa kaban ng bayan. 

Kasabay nito, tinututukan din ng mga kritiko ang patuloy na reshuffling sa loob ng DOH, na umano’y lumaganap sa ilalim ng pamumuno ni Herbosa. 

Batay sa reklamo, ginamit umano ang reshuffle bilang paraan ng pagpaparusa at panggigipit sa mga opisyal na kritikal o hindi umano kaalyado ng kasalukuyang pamunuan.

Bukod sa mga usaping teknikal at administratibo, binabatikos din ng ilang health worker ang umano’y kawalan ng propesyonal na asal ni Domingo. 

Ayon sa kanila, madalas umano siyang nahuhuli sa mahahalagang pulong, kabilang ang budget hearings sa Kongreso at Senado, habang aktibo naman sa social media.

Para sa mga kritiko, ito ay nagpapakita umano ng kakulangan sa seryosong pagtrato sa bigat ng kanyang tungkulin.

Sa huli, nananawagan ang mga health advocate ng malinaw na paliwanag mula sa DOH at Malacañang hinggil sa batayan ng pagtatalaga kay Domingo.

Hiniling din nila ang masusing pagsusuri sa kwalipikasyon, track record, at integridad ng mga opisyal na itinalaga sa sektor ng kalusugan upang matiyak na ang kapakanan ng mamamayan ang tunay na inuuna.