-- Advertisements --

Nakatatanggap ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga bagong impormasyon sa posibleng pinagtataguan ni Atong Ang.

Ayon kay NBI-National Capital Region Chief Atty. Joel Tovera, may mga na-validate na silang impormasyon mula sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Visayas.

Aniya, halos araw-araw ay may bagong tip na natatanggap ang NBI, kabilang ang mga tawag sa hotline, at lahat ng ito ay agad inaaksyunan upang maaresto si Ang.

Isinasaalang-alang din ng NBI ang isang text message na nagsasabing posibleng nasa ibang bansa si Ang mula pa noong Disyembre.

Samantala, handa ang NBI sa international coordination at verification sakaling mapatunayang nasa labas na ng bansa ang puganteng negosyante.

Nauna ring sinabi ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng nasa Cambodia o Thailand si Atong Ang.