Itinanggi ni dating Senador Manny Villar, at chair ng Villar Group nitong araw ng Martes, Pebrero 3, ang mga alegasyon na kinasasangkutan ang Villar Land Holdings Corp., kasunod ng paghahain ng reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kasalukuyang sinusuri ng Department of Justice (DOJ).
Ang naturang reklamo ay dahil sa umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosure na nakaapekto sa presyo ng shares ng kompanya at nakapanlinlang sa publiko.
Sa isang pahayag, sinabi ni Villar na wala pa siyang natatanggap na kopya ng reklamo, kaya’t limitado lamang ang kanyang kaalaman sa kaso batay sa mga ulat sa media. Dagdag niya na ang DOJ pa ang magpapasya kung magsasagawa ng preliminary investigation.
Dagdag pa ng dating senador na mataas ang kredibilidad at track record ng kanyang kumpanya, na nagpapakita kung gaano kahalaga ang reputasyon ng malalaking kumpanya.
Binigyang-diin niya na ang integridad at pagsunod sa batas ang palaging gabay sa kanyang personal na karera.
“In all my years as an entrepreneur, from the time I helped my mother sell shrimps and fish in Divisoria to leading one of the most successful businesses in the country, I have never engaged in illegal practices designed to defraud customers and investors, or unduly benefit myself or the companies I own,” ani Villar.
Pinuri rin ni Villar ang pagsunod ng Villar Land sa mga pamantayan ng corporate governance, at sinabi na ang kumpanya ay laging nakikipagtulungan sa mga regulator.
Ayon pa kay Villar na haharapin ng Land ang mga alegasyon sa nararapat na forum at nangakong makikipagtulungan sa mga awtoridad.
Sa huli kumpiyansa ang businessman na kaagad na mababasura ang mga alehasyong ipinupukol sa kanila.
“I am confident that justice will prevail and I and my family and our companies will be exonerated of all these baseless charges.”














