-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinasuhan na ng robbery with intimidation of persons, direct bribery, paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Section 7 kaugnay ng Section 11 ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang direktor ng Securities and Exchange Commission (SEC)–Butuan Extension Office matapos siyang mahuli sa isinagawang entrapment operation noong Mayo a-29 dahil umano sa pangingikil.

Nahuli ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Regional Office Caraga si Atty. Jason Tan sa loob ng isang coffee shop sa isang mall nitong lungsod ng Butuan.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Securities and Exchange Commission upang maprotektahan ang reputasyon ng ahensya laban sa iilang tiwaling personalidad at opisyal ng komisyon.

Isinagawa ang operasyon sa reklamong inihain ng SALiGAL Law, na nagsisilbing legal na tagapayo ng HMW Lending Investors, Inc. o HLI kungsaan inakusahan nila si Tan at isang hindi pa nakikilalang babaeng kasabwat na humingi ng pera sa kanila kapalit ng hindi pagsasampa ng mga kasong administratibo kaugnay ng umano’y paglabag nito sa Revised Corporation Code at sa Lending Company Regulation Act of 2007.

Ayon sa reklamo, ang unang hinihinging na halaga ay umabot sa ₱650,000, na sasaklaw umano sa 13 sangay ng HLI sa rehiyon ng Caraga.

Kalaunan ay bumaba ito sa ₱250,000, kung saan ₱80,000 lamang ang may opisyal na resibo, habang ang natitirang ₱170,000 ay direkta umanong napupunta kay Tan.