-- Advertisements --

Hindi pipirmahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang bicam report sa 2026 budget hangga’t hindi inaayos ang P51-bilyong Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at P33-bilyong alokasyon para sa unvetted farm-to-market roads (FMR).

Ayon kay Lacson, ang Maifip sa kasalukuyang sistema ay nakabatay lamang sa guarantee letters ng politiko, na nagdudulot ng patronage at lumalabag sa Universal Health Care Act. Binanggit din niya na ang FMR allocation ay kulang sa pagsusuri at transparency, lalo na ang mga proyektong maaaring pondohan mula sa P255.5 bilyong realignment ng flood control funds.

Binigyang-diin ni Lacson na ang pondo sa kalusugan ay dapat ipaloob sa Universal Health Care (UHC) ng DOH upang matiyak ang pantay na access at maayos na implementasyon ng batas. Para tugunan ang politikal na panghihimasok sa Maifip, naghain siya ng Senate Bill 404, na naglalayong isama ang programa sa Universal Health Care (UHC) framework at parusahan ang manipulasyon.

Aniya pa, hindi sapat ang simpleng pagtaas ng budget kung walang malinaw na mekanismo at proteksyon laban sa politikal na impluwensya. Pinuna rin ni Lacson ang kakulangan ng malinaw na listahan at proseso ng pagsusuri sa mga farm-to-market road projects, at iginiit na dapat malinaw kung ang mga ito ay mula sa Department of Agriculture o indibidwal na mambabatas.(report by Bombo Jai)