Dumipensa si Leyte Rep. Richard “Goma” Gomez sa ginawang pag-atake kay Philippine Fencing Association (PFA) president Rene Gacuma sa kasagsagan ng Southeast Asian Games 2025.
Unang inireklamo ni Gacuma ang mambabatas dahil sa umano’y pananakit sa kaniya nang minsan ay kinamayan niya ang kongresista matapos siyang magbulsa ng silver medal sa kaniyang shooting event sa nagpapatuloy na turneyo.
Sa isang panayam, sinabi ni Gomez na ang fencing official ang lumapit sa kaniya.
Aniya, galit na galit siya sa oras na nangyari ang komprontasyon. Giit ng kongresista, kung kailan nakikipaglaban ang Pilipinas para makakuha ng mas maraming medalya, ay saka pa papalitan ang mga atleta ng mas mahinang player.
Kung babalikan ang sulat na ipinadala ni Gacuma kay Philippine delegation chef de mission Dr. Jose Raul Canlas, nag-ugat ang komprontasyon sa naging desisyon ni Gacuma na palitan ang national athlete na si Alexa Larrazabal sa women’s individual epee event.
Ito ay dahil sa umano’y kabiguan ni Larraazabal na magsumite ng akmang dokumento, palaging absent sa training, atbpang kadahilanan. Ipinalit sa kaniya ang atletang si Hannie Abella.
Samantala, nang makuhanan ng reaksyon si Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino ukol sa naturang insidente, sinabi nitong matatanda na ang dalawa at dapat ay ayusin na lamang nila ang naturang isyu.














