Kusang sumuko si Albuera, Leyte Mayor Rolan “Kerwin” Espinosa sa National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Huwebes, Pebrero 5.
Ito ay kasunod ng inisyung warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) Branch 14 sa Cebu City laban sa kaniya at iba pa kaugnay sa kasong murder.
Sa isang video message sa kaniyang supporters, sinabi ni Espinosa na boluntaryo siyang sumuko kaninang alas-10:00 ng umaga sa korte at hindi na niya inantay pa na isilbi sa kaniya ang warrant.
Umapela rin ng dasal si Espinosa para sa kaniyang kaligtasan na walang mangyaring masama sa kaniya.
Base sa close aide ng alkalde, walang ideya si Espinosa sa kaso laban sa kaniya.
Una rito, batay sa kopiya ng warrant, inisyu ito ng korte kahapon, Pebrero 4. Tinanggihan din ng korte ang piyansa nina Espinosa, kasama ang kaniyang kapwa akusado na sina Ronald Danieles Bulak, Eddie Mar Demingoy Mitra, at Marcelo Adorco.
Nauna ng sinabi ni Espinosa na nakahanda siyang harapin ang anumang reklamo subalit nanindigang wala siyang ideya kaugnay sa charges laban sa kaniya.
Sa isang panayam, sinabi ni Espinosa na ang naturang kaso ay isa nanamang panibagong taktika ng kaniyang kalaban sa pulitika para mapatalsik siya bilang alkalde, katulad umano ng ginawa noon sa kaniyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa Sr., na pinaslang sa loob ng Baybay City sub-provincial jail noong Nobiyembre 5, 2016 sa isang operasyon na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group.
Matatandaan naman bago ang halalan, noong Abril 2025, nakaligtas si Espinosa sa ambush attempt laban sa kaniya habang dumadalo sa isang event sa gym sa Barangay Tinag-an, na kagagawan umano ng kaniyang kalaban sa pulitika.
















