Umatras na ang Cambodia sa 2025 Southeast Asian Games dahil sa mga kadahilanang pangkaligtasan.
Sa sulat na ipinadala ng National Olympic Committee of Cambodia (NOCC) na pirmado ni Secretary General Vath Chamroeun, binigyang-diin ang kaligtasan ng mga delegado bilang pangunahing konsiderasyon kaya’t tuluyang pina-uwi ang mga atletang Cambodian na dapat sana’y lalaban sa iba’t ibang sporting event sa Thailand.
May petsang Disyembre 10 ang naturang sulat, isang araw matapos ang opisyal na pagsisimula ng SEAG 2025.
Nakasaad din na marami sa mga atleta at kanilang mga kaanak ang humiling na makabalik agad sa kanilang bansa matapos lumala ang armadong labanan sa pagitan ng dalawang bansa.
Agad ding inaayos ng NOCC ang ligtas na pag-uwi ng buong delegasyon. Kasabay nito, nagpasalamat pa rin ang komite sa mainit na pagtanggap ng National Olympic Committee of Thailand (NOCT) at ng SEAG organizing committee sa mga atleta ng Cambodia.
Hindi umano naging madali ang desisyon, ngunit giit ng NOCC, kailangan itong isagawa upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga kalahok. Kung babalikan ang naunang sagupaan sa pagitan ng Cambodia at Thai authorities, umabot na sa 11 sundalo at sibilyan ang nasawi sa magkabilang panig.















