Isinusuko na ng mga nagreklamo ang kanilang karapatang maghain ng reply sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte, dahil umano sa kabiguang sagutin ng bise presidente ang mahahalagang alegasyon.
Ito ang inihayag ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni De Lima na matapos ang masusing pagsusuri, nakita nilang hindi direktang tinugunan ng isinumiteng sagot ang mga paratang, kaya “walang dapat sagutin” ang panig ng mga complainant.
Binatikos din ni De Lima ang sagot ng kampo ni Duterte dahil inuulit umano nito ang mga isyung napagdesisyunan na ng komite, at nagpapakita ng kalituhan sa pagitan ng mga pangunahing katotohanan at ebidensya.
Kabilang sa anim na batayan ng reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, katiwalian sa Department of Education, planong pagpatay sa Pangulo at iba pang opisyal, hindi maipaliwanag na yaman, at mga gawaing may layuning destabilisasyon.
Ayon kay De Lima, hindi nasagot ang mga isyu tulad ng pagbabanta, paggamit ng pondo, audit findings, at hindi kumpletong SALN, kaya nanindigan siyang dapat nang magpatuloy ang komite sa pagtalakay kung uusad ang impeachment case.
















