-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na kanilang ibinalik na sa Office of the Ombudsman ang tatlong malversation case laban kay Sen. Joel Villanueva.

Ayon mismo kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, naipasa na sa tanod-bayan ang naturang mga reklamong may kinalaman sa maanomalyang flood control project sa Bulacan.

Opisyal na aniyang naiendorso ng kagawaran sa Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon o resolusyon ng prosekusyon sa mga reklamong malversation.

Ibinahagi ng tagapagsalita na nasa tanod-bayan na ang desisyon kung anong hakbang gagawin sa resolusyon ipinasa ng Department of Justice.

Magsasagawa pa raw ito ng pagsusuri sa naging ‘findings’ ng justice prosecutors upang mag-isyu ng sariling ‘review resolution’ sa kaso.

Dito aniya tutukuyin ng Ombudsman kung tatayo at isasampa na bilang kaso ang reklamo sakaling mapagsang-ayunan may sapat ng ebidensya.

Habang ibinahagi naman ni Justice Spokesperson Atty. Martinez na ang nababanggit ni Assist Ombudsman Mico Clavano na nasa ‘advance stage’ na ang mga reklamo, marahil aniya’y batay ito sa sarili nilang ‘findings’ o pag-iimbestiga.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng tagapagsalita kung bakit ibinalik ang mga reklamo sa Ombdusman gayon may resolusyon ang prosekusyon.

Ito aniya’y buhat nang ‘dineputized’ lamang raw sila ng tanod-bayan upang magsagawa ng preliminary investigation ukol sa mga kaso.

Hindi raw saklaw dito ang paghahain direkta ng kaso sa korte sapagkat Ombudsman na ang may hurisdiksyon sa reklamo laban sa Senador.