-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng Cambodia na nasa kanilang bansa ang puganteng negosyante si Charlie “Atong” Ang, taliwas sa naunang “raw information” ng mga awtoridad ng Pilipinas kaugnay sa umano’y kinaroroonan nito.

Sa isang pahayag sa kanilang social media page, sinabi ng Cambodian foreign ministry na opisyal na kinukumpirma ng kanilang tagapagsalita na wala si Ang sa Cambodia at walang anumang tala ng kanyang pagpasok o paglabas ng bansa.

“According to an official report from the Immigration General Department of the Ministry of the Interior of Cambodia, there is no record of Charlie Tiu Hay Ang’s entry or exit at any Cambodian border checkpoints,” pahayag ng kanilang post.

Ginawa ng ahensya ang pahayag upang pabulaanan ang mga ulat sa media na nagsasabing maaaring nagtatago si Ang sa Cambodia, kasunod ng balitang may ipinadalang grupo ng mga pulis mula sa Pilipinas upang hanapin ang naturang pugante.

“This clarification is issued to dispel recent media reports suggesting that Charlie Tiu Hay Ang may be hiding in Cambodia, while a team of Philippine police officers had been dispatched to search for him,” dagdag pa ng Cambodia.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, igagalang ng pamahalaan ng Pilipinas ang pahayag ng Cambodia ukol sa isyu.

Gayunman, iginiit ng kalihim na magpapatuloy ang paghahanap ng pulisya kay Ang.

Nauna nang naglabas ng mga warrant of arrest laban kay Ang at iba pa kaugnay ng iba’t ibang kaso ng kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention, kaugnay ng mga missing sabungero.