-- Advertisements --

Iginiit ng Bureau of Immigration (BI) na walang rekord ng recent travel ni Atong Ang, kasunod ng mga ulat na maaaring tumakas siya sa Cambodia dahil sa inisyuang arrest warrant kaugnay sa nawawalang sabungeros case.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, wala pang legal na pag-alis ni Ang at walang indikasyon na gumamit siya ng ilegal na ruta. Pinangangasiwaan naman ng Philippine Coast Guard at lokal na awtoridad ang mga posibleng ilegal na daanan.

Sinabi rin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na naniniwala pa rin ang awtoridad na nasa Pilipinas si Ang, bagama’t may raw information na posibleng nasa Cambodia siya dahil sa online sabong operations. Aniya, maaaring hilingin ni Pangulong Marcos Jr. ang pag-aresto kay Ang sa Cambodia kung mapapatunayan ang impormasyon.

P10 milyong reward ang inaalok para sa impormasyon sa kinaroroonan ni Ang, na tanging akusado pa rin na nagtatago sa kasong multiple kidnapping with homicide at serious illegal detention. Humiling na rin ang Pilipinas ng Interpol red notice laban sa kanya.

Ayon sa abogado ni Ang, Atty. Gabriel Villareal, ang Laguna court arrest warrant ay “premature” at “legally questionable.” (report by Bombo Jai)