Dahil sa kakulangan ng legal standing at paglabag sa hierarchy of courts, ibinasura ng Korte Suprema (SC) ang isang petisyon na naglalayong ipatigil ang pagpapatupad ng panibagong garbage collection fees para sa mga negosyo sa Lungsod ng Maynila.
Sa pamamagitan ng isang resolusyon na inilabas ng SC En Banc nitong Pebrero 25, pinawalang-saysay ang reklamo ni John Barry Tayam na humihiling na harangin ang Ordinance No. 9151 ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Tayam, umaabot umano sa higit 1,000% ang itinaas sa bayarin ng mga negosyante kumpara noong nakaraang taon.
Gayunpaman, iginiit ng SC na hindi maaaring kuwestiyunin ni Tayam ang ordinansa dahil isa siyang residente ng Las Piñas City at walang sariling negosyo sa Maynila na direktang apektado ng nasabing batas.
Tinabla rin ng SC ang katwiran ni Tayam na naghain siya ng petisyon bilang isang taxpayer at concerned citizen.
Binigyang-diin ng Korte na ang ordinansa ay itinuturing na regulatory in nature at hindi isang revenue or tax measure, kaya’t walang direktang pinsala sa nagreklamo.
Bukod sa isyu ng legal standing, nilabag din umano ng petisyon ang doctrine of hierarchy of courts.













