-- Advertisements --

Muling nanawagan ang mga pamilya ng nawawalang sabungero kay Charlie “Atong” Ang, na sumuko na at harapin ang mga kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa kaniya.

Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na malawakang manhunt operation ng mga awtoridad kay Ang at kasunod ng paglilinaw ng pamahalaan ng Cambodia na walang rekord ng pagpasok o paglabas ni Ang sa kanilang bansa, taliwas sa mga ulat na nagtago siya doon.

Nanawagan ang mga kamag-anak ng nawawalang sabungero kay Ang at sa kanyang pamilya na tigilan ang pag-iwas at makipagtulungan sa imbestigasyon.

Sa isang panayam, sinabi naman ni whistleblower Julie Patindongan alyas Totoy na kung wala si Ang sa Cambodia, posibleng gumagalaw siya sa ibang bansa sa Asya, o kung nasa Pilipinas, tanging pamilya niya ang nakakaalam ng kanyang kinaroroonan.

Samantala, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nagsasagawa na rin sila ng hiwalay na manhunt sa Visayas kasunod ng natanggap na tip na posibleng nagtatago doon ang business tycoon.

Nananatili naman ang P10 milyong pabuya para sa impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto kay Atong Ang, ang itinuturing ngayon bilang “most wanted person” sa Pilipinas.